Thursday, May 31, 2007

Panawagan

Nananawagan po ako kay Ginoong Efren Abueg, isa sa mga tinitingala kong manunulat sa wikang Filipino, na kung isinusulong niyo po ang paggamit ng Filipino bilang medium of instruction ay dapat pong buo ang paninindigan niyo rito. Napanood ko po kasi kayo sa TV Patrol kagabi at nadismaya kami ng tatay ko na bagamat ipinaglalaban niyo pong Filipino dapat ang wika ng pagtuturo sa Matematika at Siyensiya, sana ay sa wikang Filipino rin kayo sumagot sa interbyu.

***

Nananawagan din po ako sa mga opisyal o partidong nandaraya pati na rin ang mga taong ginagamit niyo sa pandaraya na sana pag-isipan niyo nang mabuti kung karapat-dapat ba talaga kayo sa mga posisyong uupuan niyo. Nang mapanood ko sa balita lahat ang mga kabataan, ang mga matatanda, at iba pang mga bumoto sa Mindanao, bumigat ang aking loob. Itong mga taong ito, nagkusang bumoto dahil umaasa sila sa pagbabago, lalo na sa kanilang lugar kung saan patuloy ang gulo. Pero nabaliwala ang kanilang aksyon dahil pabrikadong mga balota naman pala ang bibilangin. Hindi po ako kumakampi sa GO pero posible ba namang maging 12-0 ang Team Unity kahit pa napakaliit na lugar 'yun o ano? Sa Psych, lalo na sa Personality, malaki lagi ang impluwensya ng individual differences. Aba e kung wala naman palang individual differences sa mga botanteng ito, hindi patuloy na nagkakagulo doon sa kanilang lugar! Mapayapa ang komunidad at masagana ang pamumuhay ng mga tao doon!

***

Isa lang akong maliit na boses. Wala akong posisyon para may direktang aksyong magawa. Wala rin akong makapangyarihang partidong magsasalita para sa akin. Hanggang panawagan lang ako.

***

May panawagan din ba kayo? Bakit hindi tayong lahat manawagan para kahit mahina tayo mag-isa, may makarinig sa atin kung tayo'y sama-sama?

posted by Chesca @ 12:01 PM    


<< Home