Tuesday, June 12, 2007

Bayang Magiliw

Ayon sa Mga Kwento ni Marc Logan, karamihan sa mga estudyante ngayon, elementary man o hayskul, ay hindi kabisado ang Pambansang Awit. Nang ipakanta sa guro, pati si Ma'am hindi ito nakanta nang tama.

Siguro kung ibinatay sa kung anong mga kanta ang pinakakabisado ng madla, iba't iba ang magiging Pambansang Awit. Sa mga mayayaman ay mga kantang indie, sa mga simpleng tao ay mga kantang naririnig sa radyo, sa mga hindi gaanong angat sa buhay ay ang pinakabagong novelty song ni Willie Revillame. Nagkakawatak-watak tayo sa mga kantang isinasapuso natin sa ngayon. Iisa na nga lang sanang kanta ang makapagbubuklod sa atin, hindi man lamang natin makanta nang buong puso't paninindigan.

Nasaan ang paggiliw natin sa natatangi nating sa Perlas ng Silanganan?

Siya nga pala, Araw ng Kalayaan ngayon. Ngayon ko lang naalala nang mapanood ko ang balita. Hindi naman kasi halata na malaya tayo e. Hindi tayo malaya dahil kung may sarili tayong pag-iisip bilang isang Bayan, hindi natin kalilimutan ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika, ng pagkabisado ng Pambansang Awit, at ang kahalagahan ng iba pang mga bagay na patunay na lahat tayong mga Pilipino ay magkakapantay.

***

Siya nga pala, 'wag naman sana nating kalimutang "Lupang Hinirang" ang pamagat ng Pambansang Awit at hindi "Bayang Magiliw".

posted by Chesca @ 10:26 PM    


<< Home